Ang University of the Philippines Open University (UPOU) Faculty of Education (FEd) at Sentro ng Wikang Filipino – Unibersidad ng Pilipinas Diliman (SWF-UPD) ay kasalukuyang nagkakaloob ng dalawang bridge course sa ilalim ng proyektong eTULAY-FILIPINO. Isa itong proyektong Open Online Course na naglalayong 1) paunlarin ang paggamit ng wikang Filipino sa pamamagitan ng iba’t ibang teknolohikong paraan at gawain bilang pagsasakatuparan sa mandato ng SWF-UPD kaugnay ng Patakarang Pangwika ng UP, at 2) magbigay ng suporta o umagapay sa kasanayang pagsulat sa Filipino ng mga kasalukuyang mag-aaral sa Senior High School ng UP Integrated School (UPIS) at di-gradwadong mag-aaral ng UP Diliman, UPOU FEd, at piling mag-aaral mula sa ibang yunit ng UP.
Para sa UPOU FEd, isa rin ito sa mga programang pansuporta sa mga mag-aaral sa kanilang pagkatuto ng Filipino bilang paghahanda sa mga pormal na kurso tulad ng WIKA 1 (Wika, Kultura, at Lipunan). Para sa eksperimental na pagsasakatuparan nito, dalawang kurso ang pinagtulungang likhain ng FEd at SWF-UPD – ang 1) Batayang Kasanayan sa Akademikong Pagsulat sa Filipino (BKAPF), at 2) Panimulang Kasanayan sa Gramatikang Filipino (PKGF). Sang-ayon sa mga prinsipyo at praktika sa pagdisenyo ng kurso ng UPOU, ginamit ang course team approach, kung saan isinagawa sa loob ng ilang buwan ang pagpapaunlad, pagbubuo, at pagdidisenyo ng dalawang kurso, at talakayan ng mga miyembro ng course development team hanggang sa pagpapatupad nito. Mga maalam na guro ng wikang Filipino at gradwadong mag-aaral ang kinuhang boluntaryong guro o tutor na tutulong at aagapay sa mga rehistradong kalahok.
Ang kursong BKAPF ay binuksan para sa mag-aaral noong 8 Abril 2024, na may kabuoang 96 na rehistradong mag-aaral (41 ang mula sa UPD, 39 ang mula sa UPOU, siyam ang mula sa UP Tacloban, apat ang mula sa UPM, dalawa ang mula sa UPIS, at isa ang mula sa UPLB.) Ang nangangasiwa sa kursong ito, kasama ang apat na boluntaryong guro-tutor, ay si Mx. Allan “Nalla” E. Avena, kasalukuyang Kawaksing Mananaliksik ng SWF-UPD. Sa kabilang banda, ang kursong PKGF ay binuksan para sa mga mag-aaral noong 15 Abril 2024, na may kabuoang 122 na rehistradong mag-aaral (29 ang mula sa UPD, 44 ang mula sa UPOU, 42 ang mula sa UP Tacloban, at pito ang mula sa UPIS.) Ang nangangasiwa sa kursong ito, kasama ang 10 na boluntaryong guro-tutor ay si G. Larry Boy “Lari” B. Sabangan, kasalukuyang Kawaksing Mananaliksik ng SWF-UPD.
Ang parehong kurso ay bukas para sa mga mag-aaral nang anim na linggo.
Sinulat ni: Krista Marie L. Fama
Inedit nina: Asst. Prof. Ana Katrina T. Marcial, Mx. Allan “Nalla” E. Avena, Assoc. Prof. Jayson D. Petras, at Asst. Prof. Charisse T. Reyes